Kinumpirma ni Interior Secretary Eduardo Año na ilalabas na ngayong araw ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Executive Order na nagtatakda ng regulasyon sa paggamit ng vape lalo na sa mga pampublikong lugar.
Ginawa ni Año ang pahayag matapos nitong ilunsad sa Marikina City ang “Disiplina Muna” Program.
Ayon kay Año, ipinabatid sa kaniya ng Pangulo na nais nito na hindi lang i-regulate ang paggamit ng Vape kung hindi ipagbawal ang pagbebenta gayundin ang paggamit nito.
“Ngayong araw, maglalabas ng EO ang Malacanang regarding the regulations on the use of vape. The President really wanted not only [to ban] the use of vape but even the selling of vape” wika ni Sec. Año.
Sinabi pa ng Kalihim, sakaling mailabas na ang nasabing kautusan ay magpapalabas din siya ng Memorandum Circular para ipag utos sa mga Local Government Unit na magpatupad ng Ordinansa alinsunod sa nasabing EO.
“Paglabas nitong EO na hinihintay natin, maglalabas tayo ng memorandum circular kung saan ay ipaguutos natin sa ating mga LGU na magpalabas ng ordinansa sa pagpapatupad ng executive order,” ani Año.