Inaayos na ng Office of the President (OP) ang isang Executive Order (EO) para sa binuong task force ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa mabilis na rehabilitasyon sa mga nasalanta ng kalamidad.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, tatawagin ito bilang “Build Back Better Task Force” na pangungunahan ni Executive Secretary Salvador Medialdea.
Ayon kay Sec. Roque, ang paglikha ni Pangulong Duterte ng task force ay naglalayong magkaroon ng mas permanenteng body na tututok at mag-develop ng expertise sa post disaster rehabilitation and recovery sa mga lugar na matinding tinamaan ng kalamidad, bago maipasa ang panukalang batas na lilikha ng Department of Disaster Resilience (DDR).
Kabilang sa mga miembro ng build better task force ang Department of Agriculture (DA), Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Budget of Management (DBM), Department of Social Welfare and Development (DSWD), National Irrigation Authority (NIA), NEA, National Housing Authority (NHA) at iba pa.
Inaatasan din ang Philippine Air Force (PAF), Philippine Navy (PN) at Philippine Coast Guard (PCG) na magbigay ng tulong sa task force.
Hinihikayat din ang mga concerned local government units (LGUs) na tumulong sa pagpapabalik at transformation ng mga peligrosong mga lugar patungo sa isang mas resilient, integrated at sustainable communities.