Inaasahang mas mapabilis na ang pagbili at paggamit ng gamot at bakuna laban sa COVID-19.
Ito’y matapos ilabas na ang Executive Order 121 na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagbibigay ng otoridad sa Director-General ng Food and Drugs Administration (FDA) na mag-isyu ng Emergency Use Authorization (EUA) para sa gamot at bakuna laban sa COVID-19.
Nakapaloob sa Executive Order na kasunod na rin ito ng mga ginawang pag-isyu na rin ng EUA ng ibang bansa gaya ng Australia, China at Estados Unidos.
Kabilang sa mga kondisyon sa paglalabas ng EUA ang pagkakaroon ng sapat na ebidensya, data mula sa marami at kontroladong clinical trials para paniwalaang epektibo sa pagpigil, pag-diagnose at paggamot sa COVID-19 ang bakuna o gamot.
Dapat ding mas matimbang ang kilala at potential benefits ng gamot o bakuna kaysa posibleng risks o panganib ng COVID-19 drug o vaccine.
Wala rin dapat aprubado at available na alternatibong gamot o bakuna sa pagpigil, pag-diagnose at paggamot sa COVID-19.
Ang aplikasyon para sa EUA ay dapat manggagaling mula sa kinauukulang industriya o government agency gaya ng national procurer o public health program implementer.
Kaugnay nito, inaatasan ang FDA na bumuo ng mga guidelines na kakailanganin para sa epektibong implementasyon ng EO.
Epektibo ang EO agad pagkatapos ng publikasyon nito sa Official Gazette at sa pahayagang may national circulation.
Nilagdaan ni Pangulong Duterte ang EO kahapon, Disyembre 1, 2020.