-- Advertisements --

Kasalukuyang nakabinbin pa sa Opisina ng Pangulong Rodrigo Duterte para sa approval ng executive order na lilikha ng mas marami pang teaching positions at mas mataas na sahod para sa mga guro.

Ayon kay DepEd Undersecretary Nepomuceno Malaluan, sa oras na maaprubahan ang proposed executive order, nasa apat na posisyon ang madaragdag gaya ng Teacher 4,5,6 at 7 na may kaakibat na Salary Grade 14,15,16 at 17.

Aniya, inaprubahan ng kabinete ang iprinisentang proposed EO ni Education Secretary Leonor Briones subalit ang implementasyon aniya nito ay nangangailangan ng maigting na pakikipagugnayan sa DBM, Civil Service Commission at sa Professional Regulation Commission (PRC) hanggang sa ito ay maisapinal.

Noong nakalipas na taon, sinabi ng DepEd na tinatrabaho na rin nila ang pagrepaso sa career progression system para sa mga public school teachers para matulungan din silang magkaroon ng career at financial stability.