-- Advertisements --

Nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Executive Order na magtatakda ng price cap para sa RT-PCR o swab testing at test kits.

Sa ilalim nG EO No. 118, inaatasan ang Department of Health (DOH) na tiyakin ang accesibility at affordability ng RT-PCR testing sa buong bansa.

Inaatasan rin ang Department of Trade and Industry (DTI) na makipagtulungan sa DOH para determinahin, bumuo at mag-implenta ng price range para sa COVID-19 testing at test kits na ginagamit ng mga ospital, laboratoryo at iba pang health facilities.

Kailangang tiyakin ng dalawang ahensya na patas, angkop at sensitive sa lahat ng stakeholders ang ipatutupad na price range.

Inatasan rin ang DOH na maglabas ng mga kaukulang abiso na magpapabatid sa mga health facilities na mayroon nang accreditation para mag-operate ng COVID-19 diagnostic laboratories kaugnay sa mabubuong price range.

Ang hindi susunod sa ipatutupad na price range ay posibleng bawian ng lisensya o accreditation.

Pirmado ni Pangulong Duterte ang EO ngayong araw, Nobyembre 4, 2020.