KALIBO, Aklan – Magiging epektibo ang paggamit ng saliva testing bilang bahagi ng travel protocol para sa mga turistang papasok sa isla ng Boracay sa oras na makapalabas ng executive order (EO) si Aklan Governor Florencio Miraflores.
Ito ay makaraang aprubahan ng Boracay Inter-Agency Task Force (BIATF) ang panukala ng lokal na pamahalaan ng Aklan at Malay sa isinagawang pulong kahapon sa isla.
Sinabi ni OIC Malay Mayor Frolibar Bautista, hinihintay pa nila EO upang maari nang magamit ng mga turista ang negatibong resulta ng reverse transcription polymerase chain reaction (RT-PCR) test gamit ang laway.
Ang saliva testing ay maari umanong isagawa ng Philippine Red Cross (PRC) at iba pang testing facilities na aprubado ng Department of Health (DOH) at Food and Drug Administration (FDA).
Dagdag pa ni Mayor Bautista nasa tamang oras ang pagpapalabas ng desisyon na inaasahang makakahikayat ng maraming turista ngayong summer season.
Maliban sa negatibong COVID test result, kailangang magpadala ang turista ng kanyang confirmed booking form, ID, at travel details sa touristboracay@gmail.com upang makakuha ng QR code.