Tinanggal sa pwesto si Eastern Police District (EPD) Director Brig. Gen. Villamor Tuliao at ang buong District Special Operations Unit (DSOU) dahil sa alegasyon ng extortion at grave misconduct na kinasasangkutan ng pagkaka-aresto sa dalawang Chinese nationals sa Las Piñas City.
Walong personnel mula sa DSOU ang kasalukuyang nasa restrictive custody matapos masangkot sa malalang paglabag sa proseso at extortion.
Ayon kay PNP Chief Gen. Rommel Marbil, hindi na ito tungkol lamang sa mga pasaway na opisyal—ito ay isang kabiguan ng pamunuan.
Tiniyak din ni Marbil na walang second chances sa mga sangkot.
“Ang mga kasangkot dito ay dapat tanggalin agad sa serbisyo at permanente nang ma-disqualify sa anumang posisyon sa gobyerno. Kung mapapatunayan na may pananagutan ang director sa ilalim ng prinsipyo ng command responsibility, hindi na siya pagkakatiwalaan sa anumang posisyon ng pamumuno,” giit ni Marbil.
Nagbabala pa ang hepe ng PNP sa lahat ng police commanders sa buong bansa na kung hindi aniya kayang panatilihin ang disiplina at magturo ng integridad sa kanilang mga hanay ay wala raw silang lugar sa organisasyong ito.
Binigyang-diin pa nito na ang bawat opisyal, anuman ang ranggo, ay may tungkuling panatilihin ang pinakamataas na pamantayan ng pampublikong serbisyo.
Pinakilos na rin ni Marbil ang Internal Affairs Service (IAS) at National Capital Region Police Office (NCRPO) upang magsagawa ng masusing imbestigasyon.
“Nililinis natin ang ating mga hanay—walang takot, walang pabor. Karapat-dapat ang mga Filipino sa isang kapulisan na kanilang mapagkakatiwalaan,” dagdag ng opisyal.