Doble kayod daw ngayon ang Department of Labor and Employment (DOLE) para masigurong mayroong pool ang Pilipinas ng mga highly skilled at educated workforce.
Ayon kay Labor Secretary Bienvenido Laguesma, ito ay dahil na rin sa pagpasok ng mga namumuhunang banyaga sa ating bansa.
Aniya, nagbibigay daw ngayong ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga manggagawa ng oportunidad para magkaroon ng karagdagang kaalaman para maresolba ang skills-job mismatch problem sa bansa.
Mahalaga raw ang pagkakaroon ng mga manggagawa ng karagdagang kaalaman at dapat itong pangunahan ng mga industriya maging ang demand at market-driven para makapasok ang mga ito sa trabahong akma sa kanilang mga skills.
Maliban sa upskilling sa mga manggagawa, sinabi rin ng labor secretary na dapat ay matugunan din ang problema sa jobs mismatched sa ating bansa.
Naniniwala si Laguesma na mareresolba ito sa pamamagitan ng pagsasagawa ng job fair sa mga departmentong naka-focus sa pagbusisi sa mga requirements ng kada industriya para epektibong matugunan ang mga ito.
Samantala, dahil naman sa pagbuhos ng mga foreign investors ay pinapaganda na rin ng Department of Energy (DoE) ang access sa mas mura at stable energy supply na para maipagpatuloy ng mga manufacturing industries ang paglikha ng mga trabaho.
Sinabi ni Energy Undersecretary Felix William Fuentebella na nananatili naman daw ang target ng Department of Energy na target na magkaroon ng 35 percent share ng renewable energy (RE) sa power generation mix sa taong 2030 at 50 percent share pagsapit ng taong 2040.
Napapanahon daw ang pag-shift sa renewable energy dahil na rin sa mataas na presyo ng mga petrolyo na siyang dagdag pasanin ng mga power-generating plants.
Tiwala rin si Fuentebella na ang offshore potential ng Pilipinas ay “ideal” at kaya nitong panatilihin ang energy demand sa hinaharap.
Sa ngayon, ang bahagi raw ng inisyatiba ng pamahalaan na maibaba ang electricity prices ay ang diversification ng energy sourcing.
Maliban dito, may isinasagawa na rin umano ang gobyerno na hakbang para ma-educate ang publiko sa energy efficiency at conservation.