LEGAZPI CITY – Ramdam na sa lalawigan ng Catanduanes ang bugso ng hangin at pag-ulan na naranasan sa nakalipas na magdamag dulot ng bagyong Tisoy.
Hindi pa man gaanong kalakasan ang mga pag-ulan, consistent naman umano ang buhos nito.
Ayon kay Catanduanes PDRRMO head Gerry Beo sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, nasa 1,500 na pamilya na ang inilikas mula pa kahapon, batay sa pinakahuling tala.
Naka-standby na rin ang kanilang emergency at disaster response team matapos na pormal nang i-activate ang Emergency Operations Center.
Ipapagamit ang mga standby vehicles para sa preemptive evacuation na ipagpapatuloy ngayong araw habang ito rin ang magdadala ng mga relief assistance sa mga evacuees.
Sa kabilang dako, pinakababantayan naman ang inaasahang landslides sa circumferential road.
Napag-alaman na may mga ongoing projects sa naturang mga kalsada na posibleng magdala ng pagguho ng lupa.
Una na ring nangako ang Department of Public Works and Higways (DPWH) ng agarang responde para sa clearing operations sa mga kalsadang maidi-deklarang not passable.
Samantala, zero casualty pa rin ang pangunahing nilalayon ng lalawigan kaya’t hangad ang kooperasyon ng mga kababayan.