VIGAN CITY – Pinawi ng Department of Agriculture (DA) ang pangamba ng mga magsasaka sa bansa hinggil sa lumalalang init ng panahon na dala ng El Niño.
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Agriculture Sec. Manny Piñol na hindi na umano gaanong malala ang epekto ng El Niño sa pananim ng mga magsasaka kung ikukumpara sa mga unang araw na naranasan ang nasabing phenomenon.
Aniya, ito ay dahil sa pag-ulang nararanasan sa ilang panig ng bansa, lalo na sa mga lugar na pinaka-apektado ng El Niño noong mga nakaraang linggo.
Muli namang sinabi ni Piñol na ang higit P5-bilyong pinsala sa agrikultura, lalo na sa pananim na palay at mais ng mga magsasaka ay maliit lamang na porsyento na kabawasan sa total national food production ng bansa.
Sinabi rin ng opisyal na tuluy-tuloy ang pamamahagi ng Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) ng tulong-pinansiyal sa mga magsasakang naapektuhan ng El Niño nang sa gayon ay maibsan ang lugi nila sa kanilang nasirang mga produkto.