Sinisi ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang El Niño phenomenon sa pagbilis ng inflation rate noong Mayo.
Sinabi ni Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia na kaya tumaas ang presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo sa nakalipas na buwan dahil nagdulot ng matinding pinsala sa agriculture sector ang naranasang El Niño phenomenon.
“Faster price adjustments in food and non-alcoholic beverages drove the uptick in headline inflation as weak El Niño conditions persisted, and brought significant damage to the agriculture sector in the midst of the election period’s strong consumption demand,” ani Pernia.
Kahapon, sinabi ng Philippine Statistics Authority (PSA) na ang inflation rate noong Mayo ay pumalo sa 3.2 percent.
Ito ang pinaka-unang pagkakataon na bumilis muli ang inflation ng bansa sa nakalipas na pitong buwan magmula nang bumagal ito simula noong Oktubre 2018.
Sinabi ng PSA na ang uptrend na naitala sa nakalipas na buwan ay bunsod ng pagtaas ng presyo ng pagkain at non-alcoholic beverages; housing, tubig, kuryente, gas, at iba pang produktong petrolyo.
Magugunita na noong Abril pa lang ay tinukoy na ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang problema sa El Niño at pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa world market na posibleng magdulot ng “upside” risk sa presyo naman ng mga bilihin.