Ibinabala ng Climate Change Commission sa publiko ang mga inaasahang magiging epekto ng El Niño Phenomenon sa bansa ngayong 2024.
Ginawa ng komisyon ang pahayag, kasunod ng inilabas na forecast ng state weather bureau hinggil sa malakas na aktibidad ng El Niño ngayong Pebrero.
Sinabi pa ng state weather bureau na ang nasabing weather phenomenon ay posibleng magtagal pa hanggang buwan ng Mayo ng taong ito.
Inirerekomenda rin ng komisyon ang pagsasagawa ng mga proactive measures sa mga mga tahanan at komunidad.
Kabilang na rito ang National Climate Change Action Plan at Local Climate Change Action Plans para sa matatag na pagtugon sa El Niño phenomenon.
Ayon naman sa state weather bureau, inaasahang makakaapekto ang El Niño sa mga lugar tulad ng Metro Manila at marami pang mga lalawigan sa bansa.
Una rito ay naglabas nga ng kautusan si PBBM partikular na ang Executive Order No. 53.
Ito ay naglalayong paigtingin ang mga pagsisikap para sa isang komprehensibong plano ng kahandaan sa mga kalamidad tulad El Niño at La Niña sa bansa.