SA KABILA NA inaprubahan na ng National Economic and Development Authority o NEDA board ang pagtatapyas ng taripa ng bigas, ay hindi pa agad-agad na mararamdaman sa merkado ang pagbaba ng presyo ng bigas.
Paliwanag ni NEDA Sec. Arsenio Balisacan na kailangan pa munang hintayin ang ilalabas na executive order ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., hinggil dito, kung kaya’t posibleng sa Hulyo o Agosto pa ito maging epektibo.
Sa oras aniya na maipalabas na ang kautusan, ay saka pa lamang ito makaaapekto sa desisyon ng mga importer kung ilang volume ng bigas ang kailangan nilang angkatin.
Sinabi ni Balisacan, nakadepende pa rin sa global market price ng bigas ang magiging presyo nito sa mga pamilihan, pero dahil ibababa ang taripa ay makakatulong itong maiibsan ang mataas na presyo.
Samantala, mananatili naman ang dating taripa sa ibang produktong pang-agrikultura tulad ng mais, asukal, sibuyas, broccoli, cassava, kamote, kape at mechanical deboned meat.