KALIBO, Aklan – Dama na ang epekto ng biglang pagsadsad ng tourist arrival sa isla ng Boracay dahil sa ipinatupad ng National Capital Region (NCR) Plus Bubble o pagbawal na makabiyahe palabas ng Metro Manila at katabing mga lalawigan.
Ayon kay Malay Mayor Frolibar Bautista, apektado na ang ilang negosyo sa isla dahil sa kawalan ng mga turista kung saan malaking porsiyento ng mga bisita ay mula sa NCR, Rizal, Cavite, Laguna, at Bulacan.
Nanghihinayang aniya ang mga hotel at resort owner kasunod ng pagkansela ng mga turistang nagpa-book para sana sa nakatakdang bakasyon sa Semana Santa.
Simula umano noong Marso 23, araw ng Martes, ang tourist arrival sa Boracay ay umaabot na lamang sa 40 hanggang 50 bawat araw.
Sa kabila nito, umaasa ang alkalde na sa oras na ma-lift ang ‘NCR Plus’ travel restrictions ay muling makakabawi ang Boracay.