-- Advertisements --
f Sabalenka Fernandez 20210909
Sabalenka vs Fernandez (Photo courtesy from US Open)

Muli na namang ginulat ngayon ng Filipina Canadian sensation na si Leyla Fernandez ang mundo ng tennis matapos ang big win laban sa world’s No. 2 na si Aryna Sabalenka ng Belarus sa US Open semifinals na ginanap sa USTA Billie Jean King Tennis Center sa New York City

Nagawang itumba ni Fernandez sa makapigil hininga na three sets si Sabalenka, 7-6, 4-6, 6-4.

Una rito, nasilat din ni Fernandez ang ilan pang higanteng players sa women’s tennis bago umabot ng semis.

Sinasabing pinakapaborito ng mga fans si Fernandez (73rd ranked) dahil sa impresibo nitong mga panalo laban kina 2016 winner Angelique Kerber, kontra sa fifth-seeded Elina Svitolina at maging sa defending champion na si Naomi Osaka ng Japan.

Sa araw ng Linggo (Saturday in US) nakatakda na ang pinakakaabangang finals ni Fernandez.

Makakaharap niya ang isa pang teenager, ang 18-anyos na si Emma Raducanu na tinalo si Maria Sakkari ng Greece sa straight sets, 6-1, 6-4.

Hindi naman halos makapaniwala si Fernandez sa kanyang narating na naging emosyunal sa panalo kanina.

Labis siyang kinagigiliwan ngayon ng mga fans bunsod nang pagiging masayahin, puno ng enerhiya, at exciting panoorin sa tennis court.

“It is thanks to the New York crowd they have helped me and cheered for me and never gave up for me, they fought for me,” ani Fernandez sa on-court interview. “Thank you New York! That is years of hard work and tears and blood on court and sacrifices I really wanted it, I fought for every point. Aryna fought for the same thing and I don’t know how I got the last point in but I am glad I’m in the final.”

Aminado naman si Sabalenka na ibang klase ang inilalaro ng mas batang karibal.

“She’s got nothing to lose. She’s a great player, fighting for every point. The crowd is supporting her really loud,” wika pa ng 23-anyos na si Sabalenka.

Si Leyla na bago lamang nag-19-anyos nitong nakalipas na Lunes ay ang ina ay isang Pinay habang ang ama naman ay isang Ecuadorian.

Siya ay ipinanganak sa Montreal, Canada.