Iniulat ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na dumami pa ang bilang ng mga registered business sa buong bansa na sumusunod sa maayos na plastic disposal alinsunod sa itinatakda ng Expanded Producers’ Responsibility (EPR) Act.
Sa ilalim kasi ng naturang batas, kailangang ma-divert ng mga registered business companies ang paggamit ng plastic ng hanggang 20% sa unang taong implementasyon nito.
Batay sa datos ng DENR-Environmental Management Bureau (EMB) kabuuang 624,547 tons ng plastic footprint ang naitala noong 2023 ngunit 20% ang namonitor na na-divert o nabago. Ito ay katumbas ng 124,986 tons ng mga plastic packaging.
Ayon kay Environment Secretary Maria Antonia Yulo Loyzaga, malaking tulong ang kooperasyon ng mga kumpanya sa buong bansa upang matiyak na mabawasan ang paggamit at pagkalat ng mga plastic.
Ang 20% na achievement na ito aniya ay sa iba’t-ibang mga paraan katulad ng maayos na waste collection and diversion, recovery, transportation, at cleanup efforts sa mga coastal at public areas.
Unang na-implementa ang Republic Act 11898 o Extended Producer Responsibility (EPR) Act noong 2022.
Ayon sa EMB, lalo ring dumarami ang bilang ng mga kumpanya na nag rerehistro sa ilalim ng EPR program.
Hanggang nitong Mayo, umabot na sa 917 ang bilang ng mga kumpanya mula sa dating 667 noong 2023.
Sa ilalim ng EPR Law, ang target na recovery ng mga plastic products ay nakabatay sa mga sumusunod:
2023 – 20%
2024 – 40%
2025 – 50%
2026 – 60%
2027 – 70%
2028 – 80%