LEGAZPI CITY – Iniimbestigahan na ng pulisya sa Daraga, Albay, ang naiulat na umano’y pamomomba sa Barangay Gapo kasabay ng pangha-harass sa Barangay Alobo.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo Legazpi kay PLt/Col. Rodelon Betita, hepe ng Daraga Municipal Police Station, nagsasagawa na aniya ng validation sa insidente kaagapay ang kanilang counterpart unit sa Philippine Army.
Subalit wala pang natatanggap na kumpirmasyon sa kabilang panig.
Ipinag-utos na rin ni Betita ang pagsasagawa ng kaukulang police actions at checkpoint operations.
Sinasabing naapektuhan ng pagsabog ang construction equipment na ginagamit sa E.M. Cuerpo na isa sa mga contractor ng Bicol International Airport (BIA).
Sa hiwalay namang pakikipag-ugnayan sa puwersa ng militar sa lalawigan, tumanggi na muna silang magbigay ng impormasyon dahil nagpapatuloy pa raw ang isinasagawang imbestigasyon ng mga ito sa insidente.
Samantala, inaalam na rin kung may nasaktan sa naturang mga insidente habang pinaniniwalaang mga kasapi ng New People’s Army (NPA) ang nasa likod ng mga pangyayari.