Naabot na ang full capacity ng emergency room ng National Kidney and Transplant Institute (NKTI) dahil sa dami ng mga pasyenteng dinapuan ng leptospirosis.
Bukod sa emergency room ng pagamutan ay napuno na rin ang gymnasium doon na nagsilbing pansamantalang ward ng mga pasyente na dinapuan ng nasabing sakit.
Sa bilang ng 126 na pasyente na nasa ER ay 66 sa mga dito ang nakahiga sa kama habang ang iba ay nasa wheelchair o monoblock na mga upuan.
Sinabi ni NKTI’s Deputy Executive Director for Medical Services Romina Danguilan na bagamat regular na silang tumantanggap ng mga pasyente na may leptospirosis ay naobserbahan nila na naging matindi ang kaso ngayong taon.
Wala aniyang problema na magdagdag sila ng mga kama pero mahalaga na dagdagan ang mga tao para matignan ang mga pasyente.
Nagpadala na rin ang Philippine Red Cross ng mga volunteers nito na tutulong sa mga personnel ng NKTI.
Magugunitang dumami ang kaso ng leptospirosis sa Metro Manila matapos ang malawakang pagbaha na dala ng super typhoon na si Carina.