Binati na rin ni dating pangulo at outgoing Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada ang kanyang katunggali sa politika na si Francisco “Isko Moreno” Domagoso na nanalo sa mayoralty seat sa kakatapos lamang na May 13 elections.
“I congratulate the new mayor and I wish him all the best for the good of the people of Manila,” saad ni Estrada sa isang statement.
Iginiit ni Estrada, 82, na magsisimula na siyang maghanda para sa isang smooth turnover ng city government.
Una rito, kahapon ay idineklara si Domagoso, 44, bilang susunod na alkalde ng Maynila matapos na makapagtala ng malaking kalamangan kontra Estrada at dating Mayor Alfredo Lim.
Maging si Estrada ay hindi agad tinanggap ang pagkatalo para sa paghahangad sana niyang ikatlong termino.
Nang maiproklama si Domagoso nakatipon siya ng 340,018 votes, habang si Estrada ay meron lamang 199,773.
Ang dating mayor na si Alfredo Lim ay pumangatlo sa 131,539 votes.
Bago sumabak sa mayoralty race si Moreno ay naging undersecretary ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) mula buwan ng Mayo hanggang October 2018.
Pero noong una ay naging director din siya at chairman at CEO ng North Luzon Railways Corp. (Northrail) matapos na matalo sa pagka-senador noong 2016.
Pumuwesto siya sa ika-15 para sa mga nag-agawan sa Top 12 seats.
Kung maaalala rin si Isko ay malapit kay Estrada dahil vice mayor ito mula 2013 hanggang taong 2016.
Ukol naman sa pagkatalo ng mga Estrada sa iba pang mga posisyon, inamin ni Isko na nalulungkot siya dahil alam niya kung gaano kasakit ito.
Sana raw ay hindi siya makasama sa dinadala ni Erap.
Pero matalinghaga nitong sinabi na “sana alam daw ng isang tao kung kelan siya lulubog at ‘wag na itong antaying mangyari pa.”
Sa kanyang unang press conference idineklara ng bagong alkalde na ang kanyang administrasyon ay magiging “blooming energetic government.”