Nananatili pa rin umano ang kumpiyansa ni dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada na magwawagi ito sa ikatlong pagkakataon bilang alkalde sa Lungsod ng maynila
Matapos ang kanyang pagboto sa P. Burgos Elementary School sa Sta. Mesa, Manila, sinabi ni Estrada na marami pa itong isusulong at itutuloy na programa sakaling manalo itong muli.
Pinabulaanan naman nito na nagtatatag daw ito ng political dynasty sa siyudad, at iginiit na nasa kamay na ng taongbayan ang desisyon kung gusto pa siyang ihalal bilang mayor ng lungsod.
Una nang sinabi ni Estrada na nais niya raw mag-iwan ng legasiya bago ito tuluyang bumaba sa puwesto.
Nangako na rin ito na magreretiro na ito sa politika sakaling mapagbigyan ito na matapos ang kanyang ikatlong termino.
Samantala, ayon naman sa kanyang kabiyak na si dating First Lady Loi Estrada, hindi raw problema kung matanda na si Erap para maglingkod bilang alkalde.
Bumuwelta rin si Mrs. Estrada sa mga bumabatikos sa kanyang asawa at sinabing mas maganda na ang matanda kompara sa mas batang kandidato pero isip-bata.