Sinuspendi ng Office of the Ombudsman ng 6 na buwan si Energy Regulatory Commission (ERC) Chairperson Monalisa Dimalanta para bigyang daan ang imbestigasyon sa inihaing reklamo laban sa kaniya.
Ito ay may kinalaman sa reklamong inihain laban sa kaniya ng National Association of Electricity Consumers for Reforms, Inc. (Nasecore).
Sa order na inisyu ni Ombudsman Samuel Martires noong Agosto 27, naatasan si Executive Secretary Lucas Bersamin na ipatupad ang suspensiyon ng ERC chair.
Nakasaad din sa naturang order na magiging epektibo ang suspensiyon hanggang sa ma-terminate ang administrative adjuducation ng kaso subalit hindi lalagpas ng 6 na buwan nang walang bayad, maliban na lamang kung maantala ang disposisyon ng kaso dahil sa negligence, fault o petition ni Dimalanta kung saan hindi ito kasama sa period ng ipinataw na preventive suspension.
Una rito, sa reklamo laban kay Dimalanta, nais nilang mapanagot ang opisyal para sa Grave Misconduct, Grave Abuse of Authority, Gross Neglect of Duty, at Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Service.
Ito ay matapos na payagan ni Dimalanta ang Meralco na bumili ng electricity mula sa Wholesale Electricity Spot Market kung saan ipinasa ang charges sa mga konsyumer nang hindi humihingi ng approval mula sa ERC na ayon sa complainant ay paglabag sa Electric power Industry Reform act (EPIRA).
Ayon naman sa Ombudsman, malakas ang ebidensiyang iprinisenta laban kay Dimalanta at ang mga kaso laban sa kaniya ay maaaring humantong sa pagsibak sa kaniya sa serbisyo.