-- Advertisements --

Iniutos na ng energy regulatory commission ang suspensyon ng pagputol ng kuryente para sa mga may mababang konsumo, sa mga lugar na nasa state of calamity dahil sa bagyong kristine.

ito ay bilang tugon sa utos ni Pang. Ferdinand Marcos Jr.

Sa direktiba ng ERC inutusan ang lahat ng power distribution utilities na suspendihin ang disconnection sa mga residential at non-residential consumers na may buwanang konsumong hindi lalagpas sa 200 kilowatthours, na mabibigong makabayad sa kanilang electric bill para sa buwan ng oktubre hanggang disyembre 2024.

Iniutos din ang pagpapatupad ng flexible payment options upang maibsan ang pasanin ng mga apektadong consumer sa harap ng kanilang pagbangon mula sa kalamidad.

Ayon sa ERC papayagan ang staggered o unti-unting pagbabayad sa loob ng anim na buwan.

Maaari ring mag-alok ang power distributors ng alternative payment terms, para naman sa mga kumo-konsumo ng higit sa 200 kwh kada buwan.

Samantala, inatasan din ang lahat ng generators, Power Sector Assets and Liabilities Management Corporation, National Power Corp., National Transmission Corp., National Grid Corp. of the Philippines, independent power producers, independent power producer administrators, at market operator na magpatupad din ng payment scheme sa mga apektadong distribution utilities.