LEGAZPI CITY – Nagtipon ang mga kasapi ng United Filipino Consumers and Commuters (UFCC) sa labas ng Energy Regulatory Commission (ERC) nitong Biyernes upang kalampagin ang pagpapatupad ng Competitive Selection Process (CSP) sa lahat ng pumapasok na kontrata.
Kasunod ito ng pagbaba ng pormal na desisyon ng Korte Suprema noong Mayo 3 na nag-aatas sa ERC na idaan sa bidding ang lahat ng power supply agreements (PSA).
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Rodolfo Javellana, UFCC President, lubhang mahalaga ang bidding upang matiyak na mapapangalagaan ang interes ng mga konsumidor sa pagbibigay ng makataong presyo ng mga distribution utilities na papayagang magsuplay ng kuryente.
Ayon kay Javellana, nasa 500 na kontrata ang inaprubahan ng ERC na hindi dumaan sa subasta o bidding na dahilan ng pagkalugi lalo na sa mga lalawigan na lubhang mahal ang singil.
Giit pa ng grupo ang transparency sa sistema lalo na sa mga kumpaniyang karaniwan na humihirit ng taas-presyo sa singil ng kuryente.
Hinikayat rin nito ang publiko na mas maging mapagbantay.