Nakatakdang magsagawa ng mga public hearing sa buong bansa ang Energy Regulatory Commission kaugnay sa petisyon na inihain noong Nobyembre ng National Power Corp.
Sa naturang petisyon ay hiniling nito ang pagtaas sa mga singil na binabayaran ng mga consumer sa mga off-grid na lugar.
Sinabi ng ERC na isasagawa ang mga pagdinig sa pagitan ng buwan ng Marso at Oktubre ng kasalukuyang taon.
Ito ay may kaugnayan sa panukalang bagong Subsidized Approved Generation Rates para sa Small Power Utilities Group areas .
Kabilang na rito ang Mindoro, Marinduque, Palawan, Catanduanes, Masbate, Romblon, Tablas, Camotes, Siquijor, Bantayan, Basilan, Sulu at Tawi-Tawi, bukod sa iba pa.
Ayon kay ERC chairperson Monalisa Dimalanta , ang presyo batay sa mga gastos na nakolekta mula sa mga off-grid na consumer ay hindi pa nababagay mula noong 2005 at 2011 kung saan ang kakulangan ay binubuo mula sa Universal Charge for Missionary Electrification na nakolekta mula sa on-grid consumers.