-- Advertisements --

Kinumpirma ng pamunuan ng Energy Regulatory Commission na pinag-aaralan na nila kung maaari bang magpatupad ng moratorium sa disconnection at paniningil ng kuryente para sa mga lugar na nasa ilalim pa rin ng State of Calamity dahil sa bagyong Kristine.

Ito ay bilang pagtalima sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa ahensya na bigyan ng kagaanan ang mga residente na naapektuhan ng kalamidad.

Ayon sa ERC, pag-aaralan ng kanilang ahensya kung maaaring utay-utayin ng mga konsumer ang kanilang bill sa kuryente para hindi sila mahirapan habang bumabangon sa epekto ng bagyo.

Kaugnay nito ay hinikayat ng ahensya ang lahat ng mga Distribution Utilities na magsagawa ng pag-aaral kung paano sila makatutulong sa mga electricity bills ng kanilang mga konsumer.

Hinikayat rin ng ERC ang National Grid Corporation of the Philippines at Electric Cooperatives na bilisan ang pagsasaayos ng mga linya na nasira ng bagyong Kristine.