“Deny nor confirm” pa si Erich Gonzales kasunod ng impormasyon na nakatakda na siyang ikasal sa kanyang non-showbiz boyfriend.
Nitong weekend nang mag-viral o kumalat sa internet ang naisapublikong wedding banns ni Erich o Erika Chryselle sa tunay na buhay.
Dito nabuking at mabilis na pinag-usapan ng mga nagulat na fans ng 31-year-old actress na ikakasal na siya sa isang simbahan sa Alabang, Muntinlupa City, sa darating na March 23.
Masyadong pribado kasi ang buhay pag-ibig nito bagama’t sa kanyang birthday noong nakaraang taon, nahapyawan sa kanyang video blog ang husband to be na nagngangalang Mateo Lorenzo, ngunit ngayon ay naka-private na ang naturang vlog.
Taong 2018 nang ihayag ni Erich na siya ay “single but not available,” at 2019 nang amining poprotektahan niya ang bagay na aniya’y “something so precious and beautiful.”
Sinasabing ang mapapang-asawa niya ay negosyante at anak ng presidente ng isang tanyag na food franchises.
Mayroon din umanong sugar-milling business ang pamilya ni Mateo.