-- Advertisements --

TACLOBAN CITY – Inaasahan nang makakabiyahe pabalik sa kanilang bansa ngayong araw ang eroplano ng Royal Australian Air Force na nag-emergency landing sa Daniel Z. Romualdez lungsod ng Tacloban kamakailan.

Una rito, pabalik na sana papuntang Australia galing sa Japan ang nasabing Boeing C17 plane Globemaster III nang mapilitan itong lumapag sa naturang paliparan dahil sa fume o usok sa cockpit nito.

Ayon kay PLt. Arley Gerona, terminal deputy officer DZR PNP Airport Aviation Security Unit Aide ng Police Regional Office (PRO)-8, sinabi raw ng piloto ng nasabing eroplano na delikado kung nagpatuloy pa ang kanilang biyahe kung kaya’t napilitan itong lumapag sa pinakamalapit na airport na nagkataon namang sa DZR Airport.

Nanatili sa loob ng ilang araw ang eroplano sa lungsod dahil kinailangan pa itong ikumpuni at isailalim sa mga protocol at proseso sa customs, quarantine at immigration.

Wala namang nakitang banta sa seguridad ang mga otoridad sa biglaang pag-landing ng nasabing eroplano.

Inaasahang mamayang hapon ay makabalik na sa kanilang bansa ang Boeing C17 plane na may walong crews at 38 na mga pasahero na pawang mga miyembro ng Royal Australian Airforce.

Sinigurado naman ng pamunuan ng airport na walang naapektuhang scheduled flights sa DZR airport sa nasabing insidente.