-- Advertisements --
Australian air force dzr

TACLOBAN CITY – Nakabalik na sa kanilang bansa ang eroplano ng Royal Australian Airforce na nag-emergency landing sa Daniel Z. Romualdez (DZR) Airpot sa lungsod ng Tacloban noong nakaraang araw ng Sabado.

Ayon kay Lt. Arleigh Gerona, terminal duty officer ng DZR Airport, PNP Aviation Security Unit ng Police Regional Office (PRO-8), bandang alas-3:00 kahapon nang makapagbiyahe ang nasabing eroplano matapos isailaim sa pagkumpuni at pagsasaayos.

Maliban dito ay isinailalim muna ang Australian plane sa protocol ng customs, immigration at quarantine.

Pati na rin ang city health office ay nagsagawa nga inspection upang matukoy kung may mga kaduda-dudang bagay na lulan sa nasabing eroplano.

Wala namang nakitang banta sa seguridad ang mga otoridad sa nasabing paglapag ng Boeing C17 plane Globemaster III na may walong crews at 38 mga Royal Airforce na pasahero.

Nabatid na pabalik na sana ang eroplano sa Australia mula sa Japan nang mapilitan itong mag-emergency landing dahil sa naobserbahang fume o usok mula sa cockpit nito.