Naantala ng halos walong oras ang paglipad ng 200 pasahero ng airline company flight patungong Kansai, Japan matapos ang bomb threat mula sa isang pasahero.
Ayon kay Col. Esteban Eustaquio ng Philippine National Police Aviation Security Group, isang babae ang tumawag sa airport authority at nagtanong ito kung may bomba ang flight ng PR-412 patungo ng Kansai.
Nakuha naman ng mga otoridad ang mobile number ng tumawag at na-trace ang pangalan nito.
Nakumpirma rin na ang babaeng tumawag ay pasahero rin mismo ng nasabing flight.
Bunga nito, agad na pinababa ang mga pasahero at ang kanilang mga bagahe para sa inspeksyon.
Lumabas naman sa pagsusuri ng mga otoridad na negatibo sa bomba ang eroplano maging ang mga bagahe.
Nagpaalala naman ang pamunuan ng airline company na may katapat na kasong kriminal ang bomb threat at bomb jokes.