Nawasak ang isang eroplano sa Basco Airport sa lalawigan ng Batanes sa kasagsagan ng hagupit ng malakas na bugso ng hanging dala ng bagyong Julian.
Ayon kay Batanes Governor Marilou Cayco, ito ay 5-seater plane na itinali sa dalawang truck noong Biyernes.
Subalit ayon sa Gobernadora sa sobrang lakas ng bayo ng hangin sa nakalipas na araw, napinsala ang maliit na eroplano.
Una ng sinabi ni Gov. Cayco na matinding nanalasa ang bagyo sa probinsiya noong gabi ng Linggo na nagbunsod naman sa maraming mga residente na lumikas.
Iniulat din ng opisyal na nawalan din ng suplay ng kuryente mula pa noong gabi ng Linggo dahil sa mga nasirang linya ng kuryente at ilang kabahayan na rin ang napinsala sanhi ng malakas na bugso ng hangin.
Tiniyak naman ni Gov. Cayco na may mga nakahanda ng family food packs at iba pang tulong na ipapamahagi para sa mga residenteng sinalanta ng bagyo.