Pangunahin ngayong sinusubaybayan sa buong mundo ang eroplanong kinalululanan nina dating Pangulong Rodrigo Duterte at kaniyang anak na si Vice President Sara Duterte, base sa monitoring ng online flight tracking website na flightradar24.com.
Ayon sa tracking, ang Gulfstream G550 na may flight registration number RP-C5219 ay sinubaybayan ng nasa 30,000 katao wala pang isang oras matapos na umalis ng Villamor Airbase sa Pasay city dakong alas-11:03 ng gabi nitong Martes, Marso 11.
Ang naturang eroplano ay pinaniniwalaang sakay si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Lumapag ang naturang eroplano sa Dubai World Central International Airport sa United Arab Emirates bandang alas:5:15 ng umaga nitong Miyerkules. Kaninang ala-una trenta ng hapon, hindi pa rin umaalis ang eroplano sa Dubai kung saan lumalabas sa flight tracking na “unknown” ang status nito.
Base din sa online flight tracking website, ang Emirates flight NO. EK 337, na isang Boeing 777-31H (ER) na pinaniniwalaan namang lulan si Vice President Sara Duterte, ay most tracked flight din kung saan nasa 1,600 ang sumubaybay as of 1:30 p.m.
Nauna na ngang kinumpirma ng Office of the Vice President na lumipad na patungong The Hague, Netherlands si VP Sara nitong umaga ng Miyerkules para sundan ang kaniyang ama at tumulong sa pag-areglo ng magiging legal team ng dating Pangulo at talakayin ang kasong kinakaharap nito sa ICC hinggil sa crimes against humanity.