Bumida si Errol Spence Jr., sa kanyang homecoming bout kontra Yurdenis Ugas matapos ang 14 na buwang pahinga mula nang dumaan sa operasyon sa mata.
Lumawak pa ang kontrol ni Spence bilang isang power player sa 147 pounds matapos niyang mapag-isa ang kanyang WBC at IBF titles nang makuha ang WBA belt mula kay Ugas (27-5, 12 KOs).
Ito’y sa kanilang matinding bakbakan na nagtapos sa 10th-round TKO (technical knockout) sa AT&T Stadium in Arlington, Texas.
Matindi ang mga suntok na pinakawalan ng 32-anyos na si Spence, na nahilo rin naman sa lakas ng tama na kanyang natamo mula kay Ugas sa 6th round.
Pero sa kabila ng kanyang tinamo, hindi bumagsak o lumuhod sa lona si Spence, kundi mas nilakasan pa ang hataw laban kay Ugas na halos pumikit na ang mata sa huling 1:14 ng Round 10.
Dito na itinigil ng referee na si Laurence Cole ang laban ng dalawa para humingi ng payo sa ringside doctor.
Pero kalaunan ay tuluyang naudlot na ang laban at hinirang si Spence bilang panalo.