Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na nasa labas ngayon ng bansa ang broadcaster na si Erwin Tulfo kaya hindi pa nito maisusuko ang kaniyang mga baril.
Ayon kay PNP Spokesman P/Col. Bernard Banac, ang pinakahuling ulat na kanilang natanggap ay nasa abroad si Tulfo at hindi pa naaksyunan ang kanyang renewal ng lisensya.
Paliwanag ni Banac, umalis si Tulfo ng bansa bago pa man siya naabisuhan na paso na ang kanyang license to own and possess firearms (LTOPF).
Kaugnay nito, sinabi naman ni Banac na magpa-follow up sila sa susunod na linggo at aalamin kung kailan babalik si Tulfo nang sa gayon ay matupad na nito ang kanyang pangako na isuko ang kanyang mga baril at mag-renew ng lisensya.
Nabatid na noong March 3 pa napaso ang LTOPF ni Tulfo.
Una na ring nagbabala si PNP Chief Police General Oscar Albayalde na kung hindi isusuko ni Tulfo ang kanyang armas ay gagawa na sila ng “police action” gaya ng pagpapatupad ng search warrant.