Inatasan ng Korte Suprema si Executive Secretary Lucas Bersamin at iba pang opisyal ng gobyerno na personal na maghain ng kanilang komento sa loob ng 10 araw kaugnay sa mga bagong usapin na binanggit sa Supplement to the petition na inihain nina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Senador Ronald Dela Rosa.
Ayon Kay SC spokesperson Atty. Camille Ting, “noted without action” ang Motion for Reconsideration na inihain nina Duterte at Dela Rosa hinggil sa pagtanggi ng Korte na maglabas ng temporary restraining order (TRO) kaugnay ng pagkakaaresto at paglipat sa dating Pangulo sa International Criminal Court (ICC).
Ginawa ng SC ang pahayag matapos hilingin nina Duterte at Dela Rosa sa Korte na muling isaalang-alang ang hindi nito pag-isyu ng TRO may kinalaman sa kanilang petisyon na naglalayong pagbawalan ang pamahalaan na makipag-ugnayan at magbigay ng tulong sa International Criminal Police Organization (Interpol) o anumang law agency sa ibang bansa may kinalaman sa pagsisilbi ng warrant.
Kung babalikan, ibinasura ng SC ang naunang hiling ng kampo ng dating Pangulo para sa TRO matapos mabigo umano ang mga petitioner na makapag-establish ng malinaw at walang paga-alinlangang karapatan para sa agarang pag-isyu ng TRO.
Bilang resulta, natuloy ang pag-aresto at pagdala sa dating Pangulo sa The Hague, Netherlands noong nakaraang linggo.