Kinumpirma ni National Maritime Council Chairperson Executive Secretary Lucas Bersamin ang pagbabalik sa homeport ng BRP Teresa Magbanua matapos ang limang buwang deployment sa Sabina Shoal sa West Philippine Sea (WPS).
Sinabi ni Bersamin “mission accomplished” ang BRP Teresa Magbanua.
Ayon kay Bersamin ang repositioning na ito ay magbibigay-daan sa BRP Teresa Magbanua na tugunan ang mga medikal na pangangailangan ng ilan sa kanyang mga tripulante, sumailalim sa mga kinakailangang pagkukumpuni, at magbibigay-daan sa kanyang mga tripulante na tamasahin ang isang karapat-dapat na “furlough” at muling pagsasama-sama ng kanilang mga mahal sa buhay.
Sa sandaling matapos ang pag resupply, repair, at ma-recharge at maging ang mga crew ng BRP Teresa Magbanua agad nitong ipagpapatuloy ang kaniyang misyon kasama ang iba pang mga asset ng Philippine Coast Guard at Armed Forces of the Philippines (AFP).
Sa naging deployment nito sa Escoda Shoal, naharap ito sa malaking hamon lalo na sa mga mananakop, masamang panahon, subalit kasama ang crew nito naka survive ang mga ito sa kabila ng pinaliit na pang-araw-araw na probisyon.
Pinuri ni Bersamin ang mga crew ng BRP Teresa Magbanua sa kanilang determinasyon at dedikasyon sa pagtupad ng kanilang sinumpaang tungkulin lalo na ang pag protekta sa teritoryo ng ating bansa.