Mariing itinanggi ni Executive Secretary Vic Rodriguez ang claim na pinalutang umano ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang ideya ng pag-angkat ng 600,000 metric tons (MT) ng asukal.
Magugunitang sa ikatlong pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa tinaguriang sugar importation fiasco, pinalutang ni Sugar Regulatory Administration (SRA) chief Hermenegildo Serafica na binanggit ni Pangulong Marcos noong August 4 meeting ang pag-angkat ng nasabing volume ng asukal.
Sinabi ni Sec. Rodriguez, na walang nabanggit si Pangulong Marcos na amount o dami ng aangkating asukal dahil ayaw nga nito umanong mag-angkat ng hanggang 300,000 metric tons ng asukal.
“Walang binabanggit na amount, in terms of quantity, si kagalang galang na Pangulo pagdating doon sa MT na dapat iangkat. Kaya tayo naipit doon sa import plan pa lang dahil hindi nga kami kumbinsido sa 300,000 MT,” ani Rodriguez na sorpresang dumalo sa pagdinig matapos pagbantaan na isu-subpoena ng Senado.
“Walang katotohanan na nanggaling kay Pangulong Marcos ‘yung 600,000 MT. Yung 300,000 MT nga ay hindi kumbinsido ang Pangulo, bakit niya sasabihing 600,000?” dagdag ni Rodriguez.