-- Advertisements --

Kinumpirma mismo ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na sumulat sa kanya at kay Senadora Imee Marcos ang Malacañang upang iapela ang executive privilege kaugnay sa detalye ng pagkakaaresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte. 

Sa executive privilege, nais ng Malacanang na manatiling confidential ang laman ng pag-uusap ng pangulo at mga miyembro ng kanyang gabinete ukol sa pagsisilbi ng warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC) laban kay Duterte.

Sa pulong balitaan, sinabi ni Escudero na nagamit naman ang executive privilege ng isa o dalawang beses sa nakaraang pagdinig ng Senate Committee on Foreign Relations kung saan naapela ito ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla. 

Ngunit, iginiit ng liderato ng Senado na hindi maaaring gawing dahilan ang executive privilege upang hindi dumalo sa pagdinig o imbestigasyon ng senado.

Nilinaw ng senador na hindi sa lahat ng pagkakataon maaring iginiit ang executive privilege sa mga katanungan ng mga senador.

Ang executive privilege ay nag ugat noon sa panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ng maglabas ng Executive Order No. 464 na iginigiit ang executive privileges kung saan umabot ito sa Supreme Court (SC) na sa huli kinatigan at sinabing legal ang executive privileges.

Kung maalala, sa ginanap na pagdinig ng komite ng Senado noong Marso 20, pinili ng magkapatid na Remulla na sina Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla at Justice Sec Jesus Crispin Remulla na manahimik at gamitin ang kanilang executive privilege nang hilingin sa kanila na ipaliwanag ang mga detalye ukol sa dapat na pagpupulong sa naganap sa pagitan ni Pangulong Marcos at ng kanyang mga miyembro ng Gabinete bago ang pag-aresto kay Duterte. 

Ipinaliwanag ni Jonvic, na ang pagpupulong ay ginanap upang talakayin lamang ang mga tsismis tungkol sa pag-aresto sa dating pangulo, ngunit hindi upang pagplanuhan ito.