-- Advertisements --

Hindi papayag si Senate President Francis “Chiz” Escudero na pasukin ng mga otoridad ang Senado upang arestuhin si Senador Ronald “Bato” dela Rosa. 

Ito ay kung hihingi ng proteksyon at mananatili sa Senado si dela Rosa sakaling mag-isyu ang International Criminal Court (ICC) ng arrest warrant laban sa kanya.

Si dela Rosa ang pangunahing nagpatupad ng madugong war on drugs noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa pulong balitaan, sinabi ni Escudero, base sa rules at practice, hindi pinahihintulutan ng Senado na maaresto ang sinumang miyembro nito sa loob ng institusyon may sesyon man o wala ang kongreso. 

ito aniya ay hindi base sa batas kundi sa tinatawag na “institutional courtesy” kung saan naging tradisyon na ng Senado at bahagi rin ito ng kanilang rules na matagal na ring sinusunod.

Sinabi rin ng senador na kahit ang Interpol na umaresto kay Duterte ay hindi rin papayagan na arestuhin basta si Dela Rosa sa loob ng Senado kahit pa may isilbi na warrant of arrest.

Bagamat sinabi ng liderato ng senado na hindi habang panahon na kakanlungin siya ng mataas na kapulungan ng kongreso, pero bibigyan naman ng sapat na panahon si Dela Rosa na makuha ang lahat ng legal remedies hanggang sa magkaroon ito ng linaw o pagpapasya.

Kung maaalala sinabi ni dela Rosa na 

hihingi siya ng proteksyon kay Escudero na huwag muna siyang isuko sa mga otoridad sakaling isilbi sa kanya ang warrant of arrest batay sa hiling ng International Criminal Court. 

Kinumpirma ni Escudero na nakausap na niya si dela Rosa at aniya hindi niya pipigilan ang senador kung gugustuhin niya na magkanlong sa Senado.