Hinimok ni Senate President Francis “Chiz” Escudero ang publiko na magsikap para sa Pilipinas at ipakita ang tapang at malasakit sa mga hamon ng makabagong panahon.
Ang pahayag ni Escudero ay kasabay ng paggunita ng Araw ng Kagitingan ngayong araw.
Hinikayat ni Escudero ang bawat isa na ipakita ang pasasalamat sa mga naging bayani ng nakaraan sa pamamagitan ng pagiging bayani sa kasalukuyan.
Mula aniya sa paggawa ng mga maliliit na kabutihan hanggang sa mga dakilang layunin para sa bayan, dapat magkaisa aniya ang lahat upang patuloy na maipagmalaki ang ating pagiging Pilipino.
Dagdag ng senador, nagbabalik-tanaw at nagpupugay aniya tayo sa mga Pilipinong nagbuwis ng kanilang buhay upang ipaglaban ang kalayaan at karangalan ng bansang Pilipinas.
Sa huli, sinabi ni Escudero na dapat panatilihin ng lahat na buhay sa ating puso at isipan ang diwa ng kagitingan.