-- Advertisements --

Nanawagan si Senate President Francis “Chiz” Escudero nang malawakang financial at social audit sa mga internet gambling platforms sa gitna nang talamak na online gaming kung saan pwede ng tumaya sa pamamagitan ng mobile apps. 

Ito ang binigyang diin ni Escudero kung saan nangangahulugan aniya na mayroon ng casino sa bulsa ng bawat Pilipino. 

Sinabi ng senador, mabilis ang pag-access sa pagtaya sa mobile phone app kaya dapat magsagawa ang pamahalaan ng “social cost-state benefit” analysis sa mga aktibidad na nakapaloob sa Philippine Inland Gaming Operators (PIGO). 

Aniya, kung papaano binigyang ng atensyon sa pag-assess sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) ay dapat ganoon din ang gawin sa PIGO. 

Dagdag pa ni Escudero, nakatanggap ang kanyang tanggapan ng mga ulat mula sa mga tagaloob ng industriya na ang kabuuang online na taya ay maaaring umabot sa pagitan ng P600 bilyon at P1 trilyon sa isang taon—mahigit doble sa naiulat na kabuuang taunang benta ng isang sikat na fast-food chain sa bansa.

Ipinunto ni Escudero, na mas malaki ito ng P150 billion sa value ng ani ng palay sa Pilipinas sa loob ng isang taon.  

Kapag pinagsama-sama ang halaga ng lahat ng baboy, manok, baka, kambing na na-produce sa bansa, mas malaki pa rin aniya ang nataya sa online gaming. 

Nangangamba ang mambabatas na lumalabas na addictive ang mga apps na ito na pati ang pera pampakain ng pamilya o pang gatas ng bata ay itataya na lang sa online gaming.

Magugunitang iminungkahi ni Escudero na kung may susunod na hakbang na dapat gawin ang gobyerno ay suriin at pag-aralan ang epekto ng PIGO sa mga Pilipino.