-- Advertisements --

Nanawagan si Senate President Francis “Chiz” Escudero sa mga otoridad na tiyakin ang kaligtasan ni Mary Jane Veloso sa oras na makabalik na ito sa Pilipinas. 

Ito ang panawagan ni Escudero upang maibsan din ang takot at pagaalala ng pamilya ni Veloso na mailipat ito ng piitan sa bansa. 

Nagpasalamat ang senador kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr at sa lahat ng opisyal at kawani ng Department of Foreign Affairs na walang patid ang pakikipag-ugnayan at pakikipag-negosasyon sa gobyerno ng Indonesia para mailigtas sa hatol na kamatayan si Mary Jane at maiuwi siya sa Pilipinas.

Samantala, hinimok naman ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada ang Department of Justice na ikonsidera ang status ni Mary Jane bilang biktima ng human trafficking at pagkakasangkot sa drug syndicates. 

Dapat nilang alamin aniya ang iba pang option para sa clemency o commutation ng sentensiya ni Mary Jane na kinikilala siya bilang biktima sa halip na isang kriminal. 

Para kay Estrada, niloko si Veloso ng mga unscrupulous individual kung saan sinamantala ang kanyang pagiging  vulnerable at wala itong kaalam-alam na ginamit na siya bilang courier ng illegal na droga.