Nanawagan si Senate President Francis “Chiz” G. Escudero sa Embahada ng Pilipinas sa United States na silipin ang katayuan ng lahat ng Pilipinong nakakulong dahil sa immigration issues ng American authorities.
Ayon kay Escudero, nababahala siya sa mga ulat na mayroong 20 Pilipino ang naaresto at nakakulong sa Estados Unidos dahil sa patuloy na pagsugpo sa mga illegal immigrants na ipinatupad ng administrasyong Trump.
Umapela din ang pangulo ng Senado sa mga Pilipinong nananatili sa US nang walang sapat na mga dokumento at sa mga patuloy na naghihintay ng kanilang green card na makipagtulungan sa mga immigration lawyers kung kinakailangan upang hindi maaresto o makulong.
Tiyak ang senador na marami sa mga Pilipino sa Estados Unidos ang wala pang green card.
Paalala ni Escudero, sundin lamang ang mga batas sa US at kusa na lumapit sa embahada at konsulado ng bansa upang kanilang malaman ang mga hakbang na pwede nilang gawin para maresolba ang kanilang sitwasyon.
Mayroong higit sa apat na milyong Filipino-American na produktibong mamamayan ng Estados Unidos at nagbibigay ng makabuluhang kontribusyon sa kani-kanilang larangan.
Batay rin sa pagtatantiya ng gobyerno, mayroong 250,000 hanggang 300,000 undocumented Filipinos sa Amerika.