-- Advertisements --

Pinaalalahanan ni Senate President Francis “Chiz” Escudero ang mga overseas Filipino workers (OFW) na sumunod sa mga batas at patakaran ng mga bansang kanilang kinaroroonan upang maiwasan ang anumang legal na problema. 

Ang pahayag ni Escudero ay makaraang arestuhin ang 17 mga Pilipino na nagsagawa ng rally sa Qatar bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng kaarawan ni dating ­pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon sa Department of Foreign Affairs, ang anumang uri ng political rally sa Qatar ay ipinagbabawal at sinumang indibidwal na mapatunayang nagkasala ng paglabag sa batas ay maaaring maharap sa pagkakakulong ng hanggang tatlong taon. 

Inaasahan naman ng liderato ng Senado na kikilos ang gobyerno ng bansa para mapalaya ang mga natitirang mga Pilipinong nakakulong kaugnay ng demonstrasyon sa pulitika at mapalawig ang lahat ng tulong at legal assistance kung kinakailangan.

Gayunpaman, pinasalamatan naman ni Escudero ang Department of Foreign Affairs (DFA) at ang Department of Migrant Workers (DMW) sa pagbibigay ng tulong sa mga Pilipinong naaresto sa Qatar. 

Ang mabilis na pagtugon ng mga ahensyang ito aniya ay humantong sa pagpapalaya ng apat na Pilipino, kabilang ang tatlong menor de edad na lumahok sa isang kilos-protesta bilang suporta kay Duterte.