-- Advertisements --
Panelo
Presidential Spokesman Salvador Panelo

BACOLOD CITY – Inamin ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na special ang assignment na ibinigay ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kontrobersiyal na si Major Jovie Espenido sa kanyang nakatakdang pag-upo sa lungsod ng Bacolod bilang bagong hepe ng pulisya.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Sec. Panelo na nasa lungsod ng Bacolod kahapon para sa isang event, sinabi nito na kahit sinong pulis ay may “special assignment” kay Pangulong Duterte na tugisin ang mga durugista kahit saan man sila madestino.

Aminado si Panelo na may reputasyon si Espenido na kahit saan ito ma-assign ay may natutumbang sindikato ng droga kaya may paalala ito sa lahat na huwag suwayin ang batas partikular na ang manlalaban upang hindi kaagad na mamatay.

Napag-alaman na naging keynote speaker ang presidential spokesperson sa 19th National Public Employment Services Office (PESO) Congress kahapon na isinagawa sa mall sa reclamation area.

Ang event ay dinaluhan ng 1,500 mga PESO officer sa buong bansa.