-- Advertisements --
espenido
Police Lt. Col. Jovie Espenido

BACOLOD CITY – Nagsalita na rin si Lt. Col. Jovie Espenido kaugnay sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na ini-assign nito sa Bacolod ang kontrobersyal na pulis at “malaya itong pumatay ng kahit sino.”

Sa panayam kay Espenido kasabay ng send-off ceremony para sa security personnel na magbabantay sa MassKara Festival, muling nilinaw ng deputy city director for operations ng Bacolod City Police Office na walang dapat ikabahala ang mga residente sa Bacolod sa kanyang assignment sa lungsod.

Tiniyak din ni Espenido na susundin nito ang rule of law sa tuwing may isasagawang operasyon laban sa iligal na droga.

Ayon pa sa opisyal, ipinadala siya sa Bacolod hindi dahil mahina ang performance ng BCPO kundi upang masugpo ang problema sa iligal na droga.

Sa ngayon, wala pa raw na-monitor na drug lord o politiko na may kaugnayan sa iligal na droga si Espenido.

Ngunit umapela ito sa publiko na tumulong sa mga pulis upang maging payapa at ligtas ang Bacolod sa iligal na droga.