Bumuwelta ngayon si National Security Adviser (NSA) Sec. Hermogenes Esperon kaugnay sa akusasyon ni National Democratic Front of the Philippines (NDFP) Negotiating Panel Chair Fidel Agcaoili na nagpapakalat ito ng fake news, partikular sa kalusugan ni Communist Party of the Philippines (CPP) founding chairman Jose Maria Sison.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Esperon, kaniyang sinabi na “credible” ang kaniyang source mula mismo sa loob ng central committee na nagsasabing totoo na may malubhang karamdaman si Sison.
Naniniwala si Esperon na ang ginagawang palakat o akusasyon ni Agcaoili ngayon laban sa kaniya ay isang desperadong hakbang ng komunistang grupo.
Giit ng kalihim, nais kasi ng komunistang grupo palabasin na walang karamdaman si Sison at may kakayahan pa para pangunahan ang usapang pangkapayapaan.
Dagdag pa ni Esperon, hindi pabor ang grupo nina Sison sa isinusulong na localized peacetalks ng gobyerno para sa mga komunistang New People’s Army (NPA).
Giit pa ng kalihim, dapat lamang managot ang mga lider ng komunistang grupo sa nangyaring patayan na pinangunahan ng komunistang grupo.