DAGUPAN CITY – Pinayuhan ni National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr. si Sen. Richard Gordon na mas mabuting itikom na lamang nito ang kanyang bibig sa halip na batikusin pa si Pangulong Rodrigo Duterte pati na ang administrasyon nito.
Ginawa ni Esperon ang pahayag matapos ang mga kontrobersyal na sagutan at palitan ng matitinding banat ng senador at punong ehekutibo.
Una rito, tinawag umano ni Gordon si Duterte na isang “probinsyano” dahil pawang mga ex-military o mga retiradong opisyal ng militar at pulisya lamang ang inilalagay at ina-appoint nito sa kanyang Gabinete.
Sa eksklusibo namang panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Esperon, nanindigan ito na hindi dapat kwestyunin ng naturang senador ang hakbang ni Duterte at hindi rin dapat nito hinuhusgahan ang pangulo sa pagiging isang probinsyano.
Kakaiba umano ang pamamaraan at istilo ng pangulo sa pamamahala bagay na hindi na aniya ipinagtataka pa ng kahit na sino man.
Naniniwala din si Esperon na taglay ng mga retiradong opisyal ng militar at pulisya ang pagiging alerto sa lahat ng oras kung kaya’t sila ang kadalasang pinipili ng pangulo na ilagay sa kanyang gabinete.
Kaugnay nito, pinayuhan na lamang ni Esperon si Gordon na sa halip na magpatuloy sa pangbabatikos sa Pangulo ay mas makakabuti na lamang aniya na manahimik na lamang ito.