Inamin ni National Security Adviser (NSA) Hermogenes Esperon Jr. na tumestigo ito sa korte laban kay Communist Party of the Philippines (CPP) founder Jose Maria “Joma” Sison at sa 36 na iba pa kaugnay sa nangyaring massacre sa Inopacan, Leyte.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig sa Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 38 na isinagawa noong Marso 8, sinabi ni Esperson na kanyang isinalaysay ang personal nitong nalalaman sa Inopacan massacre na nataon sa kasagasagan ng “Oplan Venereal Disease (VD)” na umano’y inilunsad ng CPP at isinakatuparan ng New People’s Army (NPA) noong dekada ’80 upang linisin ang kanilang hanay mula sa mga hinihinalang tagasuporta ng gobyerno.
Ayon kay Esperon, nasa 300 katao ang binawian ng buhay dahil sa pagtatangka ng CPP-NPA na patayin ang mga pinaniniwalaang informer ng militar at mga counter revolutionaries.
Aniya, personal din nitong binisita ang mga mass grave ng mga biktima ng massacre nang una itong matuklasan sa Brgy. Caulisihan, Inopacan, Leyte noong Agosto 31, 2006.
Salaysay ng kalihim, tumambad sa mga otoridad ang 100 kalansay ng tao kung saan 15 lamang rito ang natukoy ang pagkakakilanlan.
Nauwi ito sa paghahain ng kaso matapos ang rekomendasyon ni Esperon, na siyang AFP chief noong panahong iyon.
Mula daw noon ay isinulong na raw ni Esperon na makasuhan si Sison at iba pang mga matatas na opisyal ng komunistang grupo.
Maliban dito, inihayag din ng opisyal na nagpresinta raw ito ng iba’t ibang mga ebidensya, tulad ng kopya ng “Suffer Thy Comrades,” isang libro kung saan nakadetalye ang torture na isinagawa ng NPA sa kanilang mga miyembro.
Bukod pa raw ito sa mga reports na nakuha ng militar sa kanilang mga operasyon laban sa CPP-NPA.
“The blood of these victims lie squarely in the hands of the perpetrators and implementers of these nationwide mass purges, regardless of the NPA’s blanket denial of its involvement therein. As my moral and social duty, I shall see to it that those responsible for these heinous crimes are held answerable to the bar of justice,” giit ni Esperon.
Si Sison, na kasalukuyang nasa self-exile sa The Hague, Netherlands, at 36 na iba pang opisyal ng CPP ay nahaharap sa reklamong 15 bilang ng murder dahil sa kanilang papel sa Inopacan massacre.