Ibinunyag ni PCol. Jovie Espenido na mayroon umiiral na quota at reward system sa Philippine National Police sa ilalim ng war on drugs ng administrasyong Duterte.
Sa affidavit na isinumite ni Espenido sa House Quad Committee at sa pagharap sa pagdinig ngayong araw, kinumpirma niyang nagpataw ang liderato ng quota na limampu hanggang isandaang indibidwal na inakalang ang ibig sabihin ay kakatok lamang sa tahanan ng mga hinihinalang gumagamit o nagtutulak ng ilegal na droga.
Ninais umano ni Espenido na ipatupad ang war on drugs nang walang namamatay at ang misyon ay sumuko ang drug suspects at isailalim sa rehabilitasyon kaya walang naitala sa ilalim ng kanyang pamumuno sa Albuera at Bacolod.
Ibinunyag ni Espinido na ang pabuya ay nasa P20,000 pesos sa bawat mapapatay na indibidwal sa drug war at ang pondo ay galing saa Small-Town Lottery o jueteng lords na nagbibigay ng pera sa police regional commanders at provincial commanders.
Ibinahagi rin ni Espenido na si noo’y PNP Chief Ronald “Bato” Dela Rosa ang nagpatawag sa kanya upang italaga sa Ozamiz City bilang hepe dahil sa pagiging matapang.
Ang instruction umano ni Dela Rosa ay buwagin ang mga sindikato ng ilegal na droga kasama na ang Parojinog group kung saan ginamit ang mga salitang “neutralize” at “eliminate” anuman ang pamamaraan o by all means.
Dagdag pa ni Espenido, direkta siyang nagre-report kay General Bato at mismong kay Pangulong Rodrigo Duterte.