-- Advertisements --
SIBOL MOBILE LEGEND
SIBOL MOBILE LEGEND/ FB image

Nasungkit ng Philippine ESport team na Sibol ang kauna-unahang gintong medalya sa larong Mobile Legend Bang Bang sa nagpapatuloy na 30th Southeast Asian Games.

Tinalo ng pambato ng Pilipinas ang bansang Indonesia sa score na 3-2 sa kaniyang best of five games na ginanap sa San Juan Arena.

Binubuo nina Kenneth Jiane “Kenji” Villa, Karl Gabriel “KarlTzy” Nepomuceno, Carlito “Ribo” Ribo, Jeniel “Haze” Bata-anon, Angelo Kyle “Pheww” Arcangel, Allan Sancio “Lusty” Castromayor, at Jason Rafael “Jay” Torculas ang koponan.

Unang nakakuha ng panalo sa game 1 ang Pilipinas subalit nakuha ng Indonesia ang panalo sa ikalawa at ikatlong laro.

Sa huling laro ay nakabangon ang team Sibol at tuluyang nakuha ang gold medal.

Isang malaking hamon para sa Pilipinas ang laban nila dahil galing sa M1 World Championship, ang inaugural ML: BB worldwide contest na inorganiza ng game developer ng ML, ang karamihang manlalaro ng Indonesia.